Monday, October 17, 2011
Pagkakahulog at Paghuhulog ng Loob: Emosyonal, Volisiyonal, Intelektuwal at Etikal na mga Dimensiyon ng Tao
I. PANIMULA
Sa wikang Filipino, isang holistikong konsepto ang loob na hindi mapagkakailang napakalawak ng nasasaklaw. Walang isang depinisyon ang konseptong ito sapagkat maaari tumutukoy ito sa iba’t ibang aspeto ng pagkatao. Madalas gamitin ang mga katagang ito sa pang-araw araw na mga usapin, sa mga tula’t awitin na naisulat, sa iba pang anyo ng mga literaturang nailimbag. Kung gaano ito kadalas nalalaman sa mga usap-usapin at mga sulatin, ay ganon rin kalimit pagnilay-nilayan ang konseptong ito – ang dimensyong ito ng ating holistikong loob.
Ano ang konsepto ng loob? Ano ang “pagkahulog” ng loob at ano ang pinagkaiba nito sa kusang paghuhulog ng loob? Paano nga ba nahuhulog ang loob ng isang tao o kaya nama’y saan nagmumula at ano ang dahilan ng pagkakahulog na ito? Paano nga ba malalaman na nahuhulog na ang loob ko? Sa tao lang ba maaari?
Sa gabay ng mga akdang pilosopical nina Fr. Wilmer Joseph S. Tria (Ako asin an Kapwa Ko), Fr. Albert E. Alejo, SJ (Tao Po! Tuloy!), Manuel B. Dy, Jr. (Philosophy of Man) at Fr. Leonardo N. Mercado, SVD (Elements of Filipino Philosophy), susubukin kong matugunan ng mga kasagutan ang aking mga inihayag na mga katanungan at pagnilay-nilayan ang mga ito. Sa tulong ng mga nabanggit na may-akda, susubukin kong makabuo ng sariling pilosopiya ukol sa pagkakahulog ng loob at paghuhulog ng loob.
II. ANG KONSEPTO NG LOOB
Si Leonardo N. Mercado, SVD ang nagsagawa ng kauna-unahang sistematikong pag-aaral sa konsepto ng loob. Nilinaw niya ang nasabing konsepto gamit ang tatlong etnolinguwistikong pangkat – ang Tagalog (loob), Bisaya (buot) at Ilokano (nakem). “Maaring makabuo ng isang pangkalahatang pilosopiya.” sa kanyang pagsisikap na malagom ang mga pananaw tungkol sa konsepto ng loob ng tatlong nasabing etniko.
Bago siya tumuloy sa isang komprehensibong pagtalakay ng konsepto ng loob sa kanyang aklat, Elements of Filipino Philosophy, nilinaw ni Mercado na nakatuon sa kamalayan ng Filipino ang kanyang pagsusuri. Sinagot niya ang katanungan kung ano ang pananaw-sa-mundo ng mga Filipino? O kaya naman sa madaling sabi paano nga ba ang takbo ng pag-iisip ng mga Filipino? Upang matuklasan ang mga kasagutan at matugunan ang kanyang mga katanungan, ginamit ni Mercado sa kanyang pagsusuri ang metalingguwistiko at penomenolohikal na pamamaraan sapagkat “ang paraan ng pag-iisip ng isang tao ay makukuha mula sa kanyang salita at kilos.” Sadyang bunga ng pag-iisip ng tao ang kanyang mga kinikilos at ang kanyang mga winiwika. Tinawag niya ang kaugnayang ito ng wika at kilos bilang isang holistikong pananaw.
Holistiko ang loob ng Filipino sapagkat sa kanyang tala ng mga gamit ng salitang loob sa kanyang Elements, lumilitaw na mayroong apat na pangunahing dimensiyon ang loob ng tao – ang intelektwal (saloobin, mapasaloob, pagkaloob), ang emosyonal (masama ang loob, pukawin ang loob), bolisyunal (kusang-loob, sundin ang loob, kalooban), at etikal (utang na loob, sa tanang loob, balik-loob, pagkalooban). Ginagamit sa isang holistikong pamamaraan ang salitang loob dahil tumutukoy ito sa malawak na katotohanan at iba’t ibang dimensiyon o aspeto ng tao.Isa pang konklusiyon ni Mercado na “pangloob” ang konsepto ng loob. Sa pagpapatunay ng ating wikang Filipino, kahit ang mga panloob at maseselang mga bahagi ng katawan ay ginagamit sa mga salita o mga parirala upang magpahiwatig ang holistikong loob. Kaya nga sinasabing mayroong mga bayag ang mga taong malalakas ang loob at kaututang-dila naman ang tawag sa best friend o kaya naman sa Filipino ay kapalagayang-loob. Samakatuwid, internal o kaya naman panloob ang konsepto ng loob.
III. PAGKAHULOG NG LOOB
a. Emosyonal na Dimensiyon
Tulad ng mga katanungan sa panimula ng papel na ito, paano nga ba nahuhulog ang loob ng isang tao? Ano kaya ang nag-udyok at ang dahilan sa nasabing pagkakahulog na ito? Sino o ano-ano ang mgatagapagtanggap ng pagkakahulog na ito? Saan ito galing at saan patutungo?
Sinasabing tanging ang mga kapwa-loob (mga kapwa tao, ang mahal na Panginoon) lamang ang maaring makatanggap ng makahulugang pagkakahulog na ito. Maaari ding “mahulog” ang loob natin sa trabaho (pagtuturo), sa bokasyon (pagpapari o kaya naman pagpasok sa mga Heswita), sa isang kupunan ng basketbol (Ateneo Blue Eagles) o sa kursong pinag-aaralan sa kolehiyo, ngunit hindi ito kasing-lalim at katulad ng makahulugang pagkakahulog sa kapwa-loob sapagkat wala silang mga loob na nananawagan. Tinuturing hilig lamang o kaya naman “fondness” sa wikang Ingles ang sitwasyon kung saan nagkakaroon ng kaugnayan ang mga tao sa mga bagay na walang loob tulad ng mga materyal na kagamitan. Hindi natin maaaring mahalin o ibigin ang mga walang loob, at hindi sila maaaring tumanggap ng pagkakahulog na ito sapagkat wala silang loob.
Pero saan nga ba nagmumula ang pagkakahulog ng loob?
Sa simula, hindi isang kilos ng loob ang pagkakahulog nito. Hindi natin pinipiling mahulog ang loob natin sa isang tao. Isa lamang reaksyon ito sa ating nasilayan o kaya nararamdaman tungo sa kapwa loob. Involuntaryo at hindi pinag-iisipan o kaya naman pinagninilay-nilayan at pinagdedesisyunan na mahulog ang loob sa isang tao. “It is not a conscious choice” ika nga.
Bigla na lamang itong dumarating nang hindi natin agad namamalayan, napapansin, at namamalas. Hindi tayo ang nagkukusang-loob na mahulog ang ating loob sa isang tao o kaya naman sa ating kapwa. Sadyang ang makahulugang pagkakahulog ng ating loob ang kusang dumadalaw sa atin.
Nagmumula ang pagkakahulog ng loob sa pagkakabighani o pagkakaakit sa kapwa-loob na nakapagpapapukaw ng loob. Kapag nahuhulog ang loob, tuluyang nabibihag ng kapwa-loob ang nabighani. Ito’y isang pagkakabihag na hindi pinili, hindi kinailangang pag-isipan, at higit sa lahat walang pagkukusang mahulog ang loob. Ang pagkakahulog na ito ay ang pagkakabihag ng loob ng hindi kusang ninais. Ang pagkakabihag lamang na ito ang kusang dumarating, kusang nagpaparamdam kahit walang pagkukusa.
Pagkabighani sapagkat, kapag nahuhulog ang loob natin sa kapwa loob o tungo sa isang tao, sadyang may mga naturang aspeto siyang nakapagaagaw-pansin na kung saan nahuhuli, napupukawan at nabibihag ang loob, kaya tuluyang nahuhulog ito. “Sa ilang lingo naming pagsasama, pagkukuwentuhan ng mga bagay tungkol sa sarili namin pakiramdam ko nahuhulog na ang loob ko sa kanya.” O kaya naman nahulog na ang loob ko dahil napapalagay ako sa’yo.” Umiiral ang emosyon ng kasiyahan, galak, abot-langit na tuwa sa kalagayang pagkakahulog ng loob sa pakiramdam ng karansang ito.
Maaari rin namang “nahulog ang loob ko sa mga batang ulila sa pinuntahan naming bahay-ampunan kaya parati akong bumibisita sa kanila.” Umiiral dito ang mga emosyon ng pakikiramay, pagka-awa, taos-pusong pagmamalasakit, at malalim na kasiyahang nakakataba ng puso.
Walang sapat na pangangatuwiran ang makakapagpaliwanag ng mga pakiramdam at karanasan na ito sapagkat may sariling pangangatuwiran din ang puso na hindi kayang pangatuwiranan ng katuwiran mismo. Subalit maaaring dumaraan at lumilipas lamang ang mga pakiramdam kaya’t pawang pansamantala lamang ang mga ito maliban na lamang kung mapagpasyahan ng loob na tuluyan ng hulugin ang kanyang loob – mula man ito sa galak na dulot ng pagkakagusto sa isang tao, sa kasiyahan sa paglilingkod, o sa pagmamalasakit.
b. Bolisyunal, Intelektuwal at Etikal na Dimensyon
Sadyang malayang nakapagpapahayag ng kanyang sarili ang loob ng tao. Mahalaga rin na mayroon elemento ng panawagan mula sa loob ng iba na “bumubulong sa tenga ng taong nahulog ang loob: “tingnan mo ako, pakinggan mo, at pakiramdaman.” Ang loob ng iba ang siyang nananawagan sa loob para managutan.” Tila ba yung nakausling tubo sa isa sa mga kalye sa lungsod na nagpaparamdam at nagpapahiwatig ng kanyang pagmemeron, ng kanyang “pagkayaon”. Sa panawagang ito, mapupukawan ang loob na managutan at mabubuksan ang puso sa pagtanggap sa kapwa-loob.
Ang pananagutan sa pananawagan ng loob ng iba ang siyang, sa Bikol “nagpapadanay” sa pagkabighani. Sapagkat ang mga nararamdaman ng hindi pinagpasyahang pagkakabihag ng loob ay pawang pansamantala at lumilipas lamang, ang pananagutang ito ang siyang kumukumpleto, gumagabay at naghuhudyat upang tuluyan na itong maging isang desisyon ng kusang paghuhulog ng loob. Samakatuwid, sintesis ng pagkabighani at pananagutan sa panawagan ng loob ng iba ang paghuhulog ng loob.
Bilang sagot sa panawagang ito ng kapwa loob, pumapasok na ang aspetong intellectual at volisyunal kapag pinagninilay-nilayan at pagpapasyahan ang kanyang una ng naramdamang emosyonal na pagkakahulog ng kanyang loob dahil sa pagkakabighani, dahil sa una ng pagkakabihag ng loob. Kapag nagsama ang dalawang elemento ng pagkabighani at ang pananagutan sa panawagan ng loob ng iba, nagiging isang desisyong etikal ito na hango sa malalim na pag-unawa, pagninilay-nilay - ang paghuhulog ng loob.
Pagmamahal o kaya’pag-ibig ang tawag sa desisyong ito, ang pasya na pag-aalay ng sarili tungo sa iba. Hango hindi sa katuwiran, kundi sa loob ang desisyon ng paghuhulog ng sarili. Isang kusang pagpapakumbaba ang “paghuhulog” ng loob. Isinasantabi nito ang “pride” ang “ego” at kahit ang mga pansariling interes para sa minamahal. Isang itong pasya ng paghuhulog ng sarili sa isang makahulgang kalagayan na kusang ninais ng loob, ang “desisyon na ipagpaliban muna ang mga pangangailangan ng sarili sa pagtugon ng pangangailan ng iba.” Sa pamamagitan ng pagpapaliban ng mga pansariling mga kinaaabalahan, napapakiramdaman ang ng sariling loob ang pinahihiwatig ng loob ng iba. Kapag tuluyang inihulog ang loob, hindi naman nangangahulugang nawawala ang sarili – sadyang inuuna lang ang kapakanan ng iba kaysa sa mga pansariling kinaaabalahan.
Ito’y isang kilos, isang galaw ng mabuting pakay patungo sa iba. Mahalagang malabis at nag-uumapaw sa kabutihang an loob upang maipamahagi sa iba. Ang paghuhulog ng loob ay ang paglalagay sa isang sitwasyon na kung saan kusang loob ang pagbabahagi ng sarili para sa kapwa-loob. Voluntaryo ang pasya ng paghuhulog ng loob tungo sa iba at samakatuwid ninais. Matitigil rin lang ang paghuhulog na ito kapag ninais, pinagpasayahan, at kapag minabuting itigil rin ito. Hindi paghuhulog ng loob ang pagkakahulog na ito kung pabago-bago, papalit-palit, hindi mapakali at tila ba hindi mapalagay.
Kadalasang nabibigyang kontosyon ang paghuhulog ng loob. Nasasabing bulag ang paghuhulog na ito, sapagkat kusang-loob na tinatanggap ang mga imperfeksyon at mga pagkakamali ng minamahal. “Kahit ganyan siya, minamahal ko siya. Wala nang Hahanapin pa” Ngunit alalahanin din natin na hindi natin maaaring mahusgahan ang pasya ng paghuhulog ng loob tungo sa isang tao sapagkat hindi sapat ang katuwiran para sa pagpapaliwanag nito. Sapat ng dahilan ang minamahal sa sa nagmamahal – sa taong ninais na hulugin ang kanyang loob. Ang kusang paghuhulog ng loob sa iba– ang pagmamahal – ay isang paglalagay ng sarili sa isang makahulugang kalagayan; isang kalagayang nakalapat sa katotohanan, sa isang kalagayang nakapagpapalagay.
Bagamat ninais, pinagpasyahan at mayroong pagkukusang nagmumula sa loob, nararapat lamang na maging responsable magpakailanman ang siyang naghulog ng sariling loob sa minamahal.
Credits to Eugene "Ayee" de Loyola for the Digital Art
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment